Minsan akoy napapaisip na ang buhay ng tao ay parang isang bulalakaw na pumapaimbulog sa kalawakan; kagyat na guguhit sa madilim na langit upang isulat ang kanyang pangalan. Magniningning sa isang saglit, kapagdaka’y lalamunin din ng kadiliman.
“ang ganda ng bulalakaw!”
isang ala-ala ng dumadaang bulalakaw sa aking pagkabata ang ngayo’y pilit na umuukilkil sa aking diwa. Tinawag ko si ina upang ituro ang landas nitong tinatahak sa kalangitan; kung anung bilis ng aking pagturo’y siya ding bilis ng kanyang pagwika na mauupos ang daliri ng sinumang mangahas na iguhit sa pamamagitan ng daliri ang landas niyon. Sa aking pagkatakot ay kagyat kong inalis ang aking daliri sa landas ng haring bulalakaw at pinagmasdan na lamang iyon, puspos ng pagkamangha.
Ngayong akoy nasa hustong gulang at isip na, dumarating ang mga panahong ako’y napapaisip kung tama nga bang pigilan ang damdamin sa pagpapakita ng buong pagkamangha. Napapatingin pa din ako sa aking daliri, at napapaisip na mas naging masaya siguro ako na kung kasabay ng pagtalon ay naituro ko din ang nagdaang bulalakaw nang gabing iyon, maraming taon na ang nakakalipas.
Akin ding napagtanto na kung sakaling ako man ang bulalakaw na iyon na pumapaimbulog sa kalangitan, siguradong may kukurot sa aking damdamin kung sa aking pagdaa’y may isang batang walang pagsidlan ng tuwang nakamasid at nakaturo, sunod ng tingin hanggang sa akoy wala na. marami nang bulalakaw ang nagningning at gumuhit sa kalangitan ng aking buhay. Di ko man sila naituro o nakatalon ng walang patumangga, sa aking puso’y di nawawala ang kanilang dalang liwanag.
Para kay tatay, at sa iba ko pang mga mahal sa buhay.
Para kay auntie tuding, na kasalukuyang nagdadaan sa butas ng karayom. Mahal ka namin, auntie.
2 comments:
nosebleed. leche ka. pa-aaddd ka na kasi sa fs! hehe. gusto ko masight ang pichursss
@ herbs-posted a slideshow of my pics at nakedscribbles. :)
Post a Comment