9.09.2009

ang libre ni manong

Nalibre ako ng agahan kaninang umaga. Ang nanlibre, si manong ng opisina namin. Si manong na matyagang nagsisiroks ng mga dokumento na iniindex ko. si manong na kabertdey ng tatay ko. si manong na magreretiro na ngayong a-kinse ng buwan na ito.

Di ko maipaliwanag pero may kakaibang lungkot sa pagitan namin kanina, habang kumakain. Hirap akong imani-obra ang usapan tungo sa mas masasayang bagay, kahit maraming pagkakataon na gawin ito, dahil pareho naman naming alam na isang lingo na lamang ang itatagal nya sa amin. Di naman kami gaanong close; napakarami din naman kasing tao dito na kailangang pakitunguhan kaya’t di kami gaanong nabigyan ng pagkakataon na mag”bonding”. Pero yung mga maliliit na bagay na namamagitan sa amin, gaya ng biruan kasama ng iba pang kaopisina habang nag-aantay ng ilang minuto bago mananghalian, ang pagiging “maharot” at chikboy nya sa edad nyang iyon—sila ang mga mumunting bagay at alaala ni manong na babaunin ko pag naghiwalay na kami ng landas.

Malungkot si manong. Bakas sa mga mata nya. Maliit lang siyang tao sa opisina, kakarampot ang sinisweldo. Ang tanging ipagmamalaki nya pag nadalaw syang muli sa library, ay sya ang nagsiroks at nagbind ng pagkarami-raming libro, clippings at kung anu-ano pang bagay na nasa pag-iingat ng library sa humigit kumulang na dalawampung taon. At sigurado na ang kanyang pagdalaw sa amin. Marami pa kasi syang aayusin sa GSIS bago nya makuha ang retirement benefits nya.

Ayaw ko sanang tanggapin ang libreng pa-agahan sa akin ni manong kanina. Pero naisip ko din na tinyempuhan nya talaga ako, at ayaw ko namang magmukhang tumatanggi sa pagpapasalamat na ibinibigay nya. Ako kasi ang palaging nakukulit ni manong na gumawa ng iba’t ibang sulat ukol sa nalalapit na nyang pagreretiro at paghingi ng rekomendasyon sa iba’t iba pang mga nakatataas na tao para matulungang maipasok ang anak nya sa aming opisina, kahit kaswal lang muna pansamantala.

Ala naman sa akin ito. Sabi ko nga, hilig ko talaga ang pagsusulat. Pero ang mapasalamatan sa bagay na taos sa puso mong ginawa ay walang kapantay pala ang dulot na tuwa.

3 comments:

Anonymous said...

'di ko sya kilala, pero nalulungkot ako sa kanyang pag-alis. marahil ay nakikita ko sa kanya ang parehong kalagayan ng mga gaya nya dito sa opisina namin.

'di mo nabangit kung ilang taon (edad) na sya. anyways, wish ko na wag maudlot/mabitin ang retirement benefits nya.

you know who i am. =)

citybuoy said...

aww how schwett. :D i'm sure manong appreciates your help. that's probably his only way to pay you back.

Anonymous said...

:-) wew... wetwew... :-p

joke lang... kakaiba ito... lurv it... pang maala-ala...